PINANGANGAMBAHANG lumobo pa sa mahigit sa 80 ang bilang ng nasawi sanhi ng pagkalunod nitong nagdaang Semana Santa base sa tala ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Col. Red Maranan, kasalukuyan pa nilang kino- consolidate ang actual na bilang ng mga nasawi dahil sa pagkalunod sa buong bansa. Ito ay kasunod ng ulat kahapon na may limang tao pa ang iniulat na nasawi sa a pagkalunod.
Bunsod ng kaliwa’t- kanang mga insidente ng pagkalunod nitong Semana Santa, umakyat sa 80 ang nalunod na nauwi sa kamatayan at ngayon ay napasama sa datos ng PNP mula April 1 hanggang kahapon ng umaga.
Naitala ang insidente ng pagkalunod sa Region 4A, Region 1, Region 3 at Region 5.
Sabado de Gloria nang anim na magpipinsan na kinabibilangan ng apat na menor de edad ang halos sabay-sabay nalunod habang naliligo sa dagat sa Barangay Pulo San Jose Camarines Sur.
Isang lalaki ang natagpuang patay ng mga kawani ng Philippine Coast Guard Station Cagayan, PCG Special Operation Group-North Eastern Luzon at MDRRMO Lal-lo matapos ito malunod sa Small Water Impounding Project o irrigation dam noong Biyernes Santo, April 7.
Samantala, sa ilog na sakop ng Barangay Sta. Clara, Sta. Ana, Cagayan ay natagpuan ang katawan ng isa pang lalaki noong Biyernes Santo, April 7.
Kasunod nito, patuloy na nakakalat ang pwersa ng PNP sa mga matataong lugar tulad ng mga beach para rumesponde sa anumang insidente.
Isang ng pitong-anyos na batang lalaki ang nalunod sa ilog sa Kabacan Cotabato, habang isang Grade 9 pupil naman ang nalunod at namatay sa beach sa Lebak Sultan Kudarat.
Sa Region 4A, may tatlong insidente ng pagkalunod ang naitala sa Laguna at Quezon nitong Mahal na Araw.
Patuloy na tumaas ang bilang ng mga insidente ng pagkalunod ng mga beach-goers at picnic-goers nitong nagdaang Semana Santa kaya patuloy pa ring nasa ‘heightened alert status’ ang puwersa ng PNP. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)