BINIGYAN ng Commission on Elections (Comelec) ng gradong 8.5 mula sa pinakamataas na puntos na 10 ang pagsasagawa at pamamahala nila sa nakaraang National at Local Elections nitong Mayo 9.
Sinabi ni Commissioner George Garcia na 8.5 ibinigay nila sa sarili at hindi perpekto dahil sa may mga “rooms for improvement” pa umano sa kanilang parte.
Nagpatuloy umano ang problema sa pagloloko ng mga ‘vote counting machines (VCMs)’ at SD cards na siyang pangunahing dahilan ng mahabang pila ng mga botante at ekstensyon ng oras ng pagboto sa ilang voting precincts.
Ang ilan pang dapat ayusin pa ay ang mga aspeto sa ‘information technology’; pagsasanay sa mga tauhan; patuloy na edukasyon at pakikipag-ugnayan sa mga botante; pagpapatibay sa mga batas at regulasyon; pagpapalakas sa kooperasyon sa mga kapartner na ahensya, katuwang na mga grupo at lahat ng stakeholders; at mas malakas na polisiya sa kapakanan ng mga tauhan nila.
“Every election is a learning experience. Hopefully this is for the better and hopefully, by the next election we would be able to make improvements on these problems that emerged,” saad ni Garcia.
Naging mas mataas naman ang ‘voter turnout’ ngayon na nasa 83.4% ng 67.4 milyong botante. Ito rin umano ang pinakamataas na bilang ng bumoto sa kasaysayan ng Pilipinas.
Una nang sinabi ng Comelec na ire-retiro na nila ang mga VCM at umaasa na mabibigyan ng pondo ng Kongreso para sa nagpapatuloy na automation ng mga susunod na halalan. (Jaymel Manuel)














