Inaasahan ng Commission on Elections (Comelec) na magkakaroon ng 70 hanggang 75% voter turnout para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na idinaos sa bansa nitong Lunes, Oktubre 30.
Ang pagtaya ay ginawa ni Comelec Chairman George Erwin Garcia matapos na bumoto para sa BSKE sa Banaba Cerca Integrated School sa Indang, Cavite, dakong alas-7:19 ng umaga.
Ayon kay Garcia, ang voter turnout ngayong taon ay inaasahan nilang bahagyang mas mataas kumpara sa voter turnout noong 2015 at 2018 polls.
Ipinaliwanag ng poll chief na walang dahilan upang hindi makaboto ang mga botante dahil sa mas mahabang bakasyon nila ngayong taon.
“Seventy to 75%. Nu’ng 2015, 2018 nagre-range sa 70 to 71 percent. Ngayon walang kadahilanan na hindi tayo makaboto sapagkat mahaba naman po ang bakasyon ngayon,” pahayag pa ni Garcia, nang matanong sa inaasahan nilang voter turnout para sa BSKE.
Samantala, sinabi rin naman ni Garcia na ang voter turnout sa New Bilibid Prison (NBP) ay nasa 92% habang ang lahat naman ng pasilidad na kontrolado ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ay may voter turnout na 77%.