Tiniyak ng pamunuan ng 6th Infantry (Kampilan) Division, Philippine Army at Joint Task Force Central ang kanilang suporta sa mga inisyatiba para sa kapayapaan sa rehiyon, lalo na sa mga proyektong may kaugnayan sa edukasyon at komunidad.
Ito ang binigyang-diin ni Major General Donald Gumiran, Commander ng 6ID at JTFC, sa kanyang talumpati kasabay ng pormal na pagpapasinaya ng mga bagong gusali para sa paaralang Madrasah sa Hiktamul Ijtimaaey Institute Incorporated, na matatagpuan sa Sitio Balas, Barangay Muti, Guindulungan, Maguindanao del Sur nitong Marso 27, 2025.
Ayon kay Maj. Gen. Gumiran, ang kapayapaan ay hindi lamang nasusukat sa kawalan ng labanan, kundi sa patuloy na pagsisikap upang makapagtatag ng ligtas at maunlad na komunidad. Aniya, ang edukasyon ay isang mahalagang bagay sa pag-unlad ng isang rehiyon at bilang katuwang sa pagtataguyod ng kapayapaan, patuloy na susuportahan ng 6ID at JTFC ang mga proyektong naglalayong palakasin ang edukasyon sa Bangsamoro.
Kasabay ng pagpapasinaya ng tatlong bagong gusali ng Madrasah, isinagawa rin ang ‘Brigada Madrasah’, kung saan namahagi ng mga school supplies at kagamitan para sa pag-aaral ng mga estudyante. Layunin ng programang ito na bigyang-diin ang kahalagahan ng edukasyon sa pagpapatibay ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.
Ang naturang aktibidad ay bahagi ng paggunita sa ika-11 anibersaryo ng pagkakalagda ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), na matatandaang nilagdaan noong Marso 27, 2014 sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ng Pamahalaan ng Pilipinas. Ang kasunduang ito ang naging pundasyon para sa pagkakatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), na naglalayong isulong ang kapayapaan at pag-unlad sa rehiyon.
Dinaluhan ang mahalagang aktibidad na ito ng iba’t -ibang opisyal mula sa militar, gobyerno at lokal na pamahalaan.
Kabilang sa mga dumalo sina Cesar Yano, Presidential Assistant, GPH Peace Implementing Panel, OPAPRU; Col Joel Mamon (Ret), Head of the Combined Secretariat for GPH CCCH and GPH AHJAG; Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Brigade; Col. Ruben Aquino, Co-Chair ng GPH CCCH;at Col. Roberto Huet, member ng JPSC GPH.
Kasama rin sa mga dumalo si Hon. Guiadzali Rene Midtimbang, Vice Mayor ng Guindulungan; Hon. Ramel Midtimbang, Barangay Chairman ng Muti; Dir. Farrah Grace V. Naparan, Head ng GPIP Secretariat; Mohammad ‘Ekop’ Guialil, Brigade Commander ng 106th Base Command, BIAF; at mga kinatawan mula sa PNP PRO BAR, MILG, MSSD at iba pang mahahalagang panauhin.














