Sa kulungan sinalubong ng isang 69-anyos na lolo ang Bagong taon matapos na arestuhin ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) nang paulit-ulit na magpaputok ng baril noong Linggo ng madaling araw sa Sampaloc, Maynila.
Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 11926 “Indiscriminate Discharge of Firearm Act” at R.A. 10591 “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act”,ang suspek na si Leonardo Colana, miyembro ng Bahala na Gang at residente ng no. 832 M. Dela Fuente St., Sampaloc, Maynila.
Si Colana ay naaresto ala- 1 ng madaling araw sa M.Dela Fuente Street sa Sampaloc, Maynila.
Batay sa imbestigasyon ng MPD-Police Station 4, nakumpiska nina Pat. Ronie B Manuel at Pat Francis E Libo-on ng Lacson PCP mula sa suspek ang isang .38 kalibre ng baril, anim na basyo ng bala at isang bala.
Nagpapatrulya umano sina Manuel sakay ng patrol car MC-153 nang makita sa kalsada ang suspek na may hawak na baril at nagpaputok paitaas nang paulit-ulit, dahilan para ito sitahin at arestuhin.
Nabigo umano ang suspek na.makapag-prisinta ng dokumento na nagpapatunay na pag-aari niya ang baril. (Arsenio Tan)