NASA 69 kaso na ang inihain ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga police officers na dawit sa umano’y tangkang ‘cover-up’ o pagtatakip sa kontrobersyal na 990 kilo drug haul nitong nakalipas na taon.
Sinasabing inihain ang mga naturang kaso sa Ombudsman of the military and other law enforcement offices (Moleo) at National Police Commission (Napolcom).
Nag- ugat ang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso sa ginawang pagbubulgar ni National Police Commission at Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos, Jr. na maraming mali sa nasabing drug raid at may mga opisyal ng PNP ang sangkot din sa tangkang cover-up.
Magugunitang inihayag din ni Abalos na nakapagsampa na ito ng mga criminal complaints laban sa 50 mga police officers nang dahil sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Dangerous Drugs Act, Revised Penal Code, falsification, perjury, at false testimony, gayundin ang obstruction of justice na nakasalig sa Presidential Decree No. 1829.
Matatandaan ding sinabi ni Sec. Abalos na mula sa 50 mga police officers na ito, 49 sa kanila ang nakita sa CCTV footage noong araw ng pag-aresto kay Police Master Sgt. Rodolfo Mayo, Jr. na una na rin niyang isinapubliko noong Abril 10, 2023.
May dalawa ding senior PNP officer na wala sa video ang kinasuhan dahil sa command responsibility.














