NASA 674 na kasapi ng Philippine National Police ang posibleng masibak sa serbisyo o patawan ng kaparusahan oras na mapatunayang nagkasala sila, kaugnay sa mga demandang inihain sa PNP Internal Affairs Service o PNP-IAS.
Nabatid na may 674 complaints ang inihain laban sa mga inakusahang tiwali o balatubang pulis nito lamang unang quarter ng taong 2025, subalit agad na nilinaw ng PNP -IAS na sasailalim pa ang mga ito sa imbestigasyon at pagdinig.
Ayon sa PNP-IAS, ang nasabing bilang ay maituturing na mga ‘isolated cases’ lang at hindi sumasalamin sa 228,000-strong police force.
Paliwanag pa ni IAS Inspector General Brigido Dulay, ang nasabing bilang ng reklamo ay pagpapakita lamang ng seryosong layunin ng pamunuan ng PNP na linisin ang organisasyon.
Ang nasabing bilang ng nakahaing reklamo ay pagpapakita rin umano ng lubos na pagtitiwala ng publiko sa kasalukuyang pamunuan ng Pambansang Pulis.
“It’s around one percent of the total workforce lang. The 99 percent is actually dedicated policemen, na nagta-trabaho,” ani Dulay na nagsabing hindi ito kumakatawan sa total performance ng kapulisan.
“Na-solve natin ‘yong sa kidnapping naman, marami namang accomplishment tayo in the crime rate pero balewala lahat ‘yon eh ‘di ba? Balewala lahat ‘yon kapag tinapatan mo ng video ng isang lasing na pulis na pumapasok sa bahay, ‘di ba? ‘Yon ang masakit,” anito, subalit pagtitiyak ng PNP-IAS na tutugisin nila ang one percent na hinihinalang bugok sa kanilang hanay.#
Ayon sa ibinahaging datos ng PNP, may 2,073 complaints ang inihain laban sa mga police personnel noong taong 2024 mula sa 1,897 complaints noong 2023.