SINABI ng Department of Health (DOH) nitong Martes na mahigit na sa 66.2 milyong indibidwal; ang fully vaccinated na laban sa COVID-19.
“As of April 4, 2022, more than 66.2 million na po sa ating mga kababayan ang nakakapag-enjoy outdoors dahil sila ay fully vaccinated na laban sa COVID-19,” ayon pa kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang media forum.
Sinabi ni Vergeire na kasama sa naturang bilang ang 6.6 milyong senior citizens at 8.9 milyong persons with comorbidities, gayundin ang mahigit isang milyong paslit na nasa 5-11 age group at siyam na milyong kabataan na nasa 12 hanggang 17 taong gulang na.
Samantala, nabatid na mayroong 46.8 milyon sa mga fully vaccinated ang kuwalipikado na para sa booster shot.
Gayunman, sa naturang bilang, 12.2 milyon pa lamang ang nakatanggap ng kanilang booster dose hanggang noong Abril 4.
Muli namang nanawagan si Vergeire sa mga eligible persons na magpa-booster shot na para madagdagan ang kanilang proteksiyon laban sa virus, lalo na at nababawasan aniya ang bisa ng bakuna sa pagdaan ng mga araw.
“Ano pa po naman ang inaantay natin para sa ating 46.8 million eligible citizens na nakatapos na ng kanilang primary series?” apela pa niya. “Magpaturok na po tayo ng booster shots sa lalong madaling panahon upang mapanatiling protektado laban sa COVID-19. Vaccine efficacy wanes over time.”
Target ng pamahalaan na ma-fully vaccinate laban sa COVID-19 ang may 90 milyong indibidwal hanggang sa Hunyo 30, 2022, bago bumaba sa puwesto si Pang. Rodrigo Duterte. (ANDOY RAPSING)