Tuloy-tuloy ang paghina ng armadong pwersa ng Communist Party of the Philippines at kanilang armed wing na New People’s Army batay sa datos na hawak ng Armed Forces of the Philippines para sa unang ika-apat na bahagi ng 2024.
Sa ginanap na pulong-balitaan sa Philippine Army Headquarters sa Fort Bonifacio Taguig City ay inihayag ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na umakyat sa 1,045 ang bilang ng mga rebeldeng na-neutralize ng militar bunsod ng rin ng mga inilunsad na focused military operation.
Ayon kay Padilla, patuloy pang nadadagdagan ang bilang ng mga miyembro at taga-suporta ng Communist Terrorist Group na na-neutralize na ng mga tauhan ng AFP base sa kanilang datos mul Enero 1, 2024 hanggang Mayo 23, 2024.
Mula sa 1,045 ng naturang bilang ay aabot sa 926 ang pawang mga sumuko at nagbalik-loob sa pamahalaan; 58 ang arestado at 61 naman ang napatay sa mga ikinasang operasyon ng militar.
Bukod dito ay may nakumpiska rin na 477 mga armas ang mga tropa ng pamahalaan at ilan dito ay kusang isinuko habang ang ilan ay nabawi matapos ang mga engkwentro.
Sa hanay ng local terrorist group ay umaabot naman sa 136 local terrorist ang na-neutralize ng kasundaluhan, kung saan 42 sa mga ito ang napatay, 89 ang sumuko at lima naman ang pawang mga nadakip ng militar.