UMAABOT na sa mahigit 600,000 batang kabilang sa 5-11 age group, ang nabakunahan na laban sa COVID-19.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje, na siya ring chairperson ng National Vaccination Operations Center (NVOC), hanggang noong Pebrero 24, 2022, umaabot na sa 663,384 na mga batang nagkakaedad ng lima hanggang 11-taong gulang ang naturukan na ng bakuna.
Patunay lamang ito na malaki ang interes ng mga magulang na mabigyan ng proteksiyon ang kanilang mga anak laban sa virus.
Matatandaang Pebrero 7 nang simulan ng pamahalaan ang pilot implementation ng pediatric vaccination sa National Capital Region (NCR).
Malaunan naman ay pinalawak pa ito sa buong bansa noong Pebrero 14.
Nabatid na mayroong pitong milyong bata ang kabilang sa 5-11 age group at 1.7 milyon sa mga ito ang target na mabakunahan ng pamahalaan.
Sinabi naman ni Cabotaje na sa ngayon ay nagkakaroon ng kakulangan sa suplay ng reformulated low-dose ng Pfizer COVID-19 vaccine para sa mga bata sa buong mundo.
Target ng Department of Health (DOH) na maidaos sa ikalawang linggo ng Marso ang ikaapat na bugso ng “Bayanihan, Bakunahan” national vaccination drive sa bansa o ‘Bayanihan, Bakunahan 4’.
Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, ang inisyal na panukala ay maisagawa ang naturang aktibidad sa Marso 7 upang mas mapaaga ito at mas marami pang taong mabakunahan.
“Initial na proposal week ng March 7. Gusto kasi ng ating mga principal, lalong lalo na si (DILG) Secretary [Eduardo] Año, na mas mapaaga ang paggawa ng bakunahan para ma-reach ang ating mga senior at saka ang mga hindi pa nabakunahan,” pahayag pa ni Cabotaje, na siyang chairperson ng National Vaccination Operations Center (NVOC), sa panayam sa radyo at telebisyon nitong sabado.
Ipinaliwanag ni Cabotaje na nais ng pamahalaan na maiwasan ang pagkakaroon ng outbreak ng sakit, na kahalintulad ng kasalukuyang nagaganap sa Hong Kong, kaya’t nais nilang palakasin pa ang vaccination drive at masimulan ito sa lalong madaling panahon.
Matatandang noong Huwebes, una nang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na ang naturang aktibidad ay idaraos ng Marso at magiging prayoridad nila dito ay ang mga senior citizen at mga menor de edad.
Ang Bayanihan, Bakunahan 3 ay idinaos mula Pebrero 10 hanggang 18 at nasa 3.5 milyong indibidwal ang naturukan ng bakuna laban sa COVID-19. (Anthony Quindoy)