Nasa 60 distressed overseas Filipino worker (OFW) returnees ang pinagkalooban ng pamahalaan ng kaukulang tulong kahapon.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), mismong sina DMW Officer-In-Charge Hans Leo J. Cacdac at Assistant Secretary Venecio Legazpi ang nanguna sa mga regional officials at personnel ng departamento sa distribusyon ng financial assistance na nagkakahalaga ng tig- P30,000 para sa naturang mga OFW returnees.
Ang attached agency ng DMW, na Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay namahagi rin naman ng P600,000 halaga ng financial assistance sa ilalim ng Balik Pinas, Balik Hanapbuhay (BPBH) Program sa may 30 OFWs at kabuuang P200,000 halaga ng medical assistance sa 10 benepisyaryo.
Nabatid na ang aktibidad ay bahagi ng 12th leg ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) na isinasagawa sa Provincial Government compound ng lalawigan ng Sultan Kudarat.
Ang BPSF ay flagship project ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr., na pinakamalaking service caravan na naghahatid ng pangunahing serbisyo patungo sa mga underserved communities.
Sa pakikipag-kooperasyon sa service caravan ng pamahalaan, nagkakaloob ang DMW ng legal services, reintegration support services, assistance sa issuance ng travel exit clearance, at employment assistance para sa mga nangangailangang OFWs.














