Lasog-lasog ang katawan ng isang 60-anyos na laborer na hinihinalang nakatulog habang nagpapahinga nang ito ay bumagsak mula sa inuupuang canopy na nasa ikatlong palapag ng gusaling pinagta-trabahuhan niya, kamakalawa ng umaga sa 1339 Don Quijote St. Sampaloc, Maynila.
Dead-on-arrival (DOA) sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Jaime Jimeno, stay-in worker sa nabanggit na construction site.
Sa imbestigasyon ni PSSG Roderick Magpale ng Manila Police District -homicide section, naganap ang insidente alas-9:30 ng umaga sa naturang lugar.
Ayon kay Sonny De Los Santos , kasamang laborer ng biktima, huli niyang nakitang buhay ang biktima alas-7 ng umaga, kung saan pinigilan niya ang biktima na magpahinga sa lugar pero hindi ito nagpapigil dahil mahangin umano sa may canopy.
Napag-alaman na nakipag-inuman umano ang biktima sa mga kasamahan noong gabing iyon.
Sinabi ni Rogelio Valiente, kasamahan ng biktima, na lumabas siya para bumili ng sigarilyo at pagbalik ay narinig niya ang mga estudyante ng St. Jude na nagsisigawan at nagsasabing “may nahulog, may nahulog!”.
Kaagad siyang bumalik at nakiya niya ang biktima na duguan, at ito ay kaniyang dinala sa pagamutan.














