Anim na dating rebelde, sampung miyembro ng Yunit Milisya, at dalawampung dating mass supporters ang kusang-loob na sumuko sa pamahalaan, dala ang 20 kagamitang pandigma.
Ayon kay Lt. Col. Aeron T. Gumabao, Commanding Officer ng 57th Infantry (Masikap) Battalion, ang mga sumukong indibidwal ay mula sa mga barangay ng Basak, Bululawan, Nuling, Ragandang at Poloy-Poloy na pawang sakop ng bayan ng Lebak, Sultan Kudarat.
Ang pagsuko ay naging matagumpay sa pamamagitan ng isang peace rally at pulong-pulong na isinagawa sa Brgy. Salangsang nito lamang Marso 29, 2025. Ito ay bunga ng Community Support Program (CSP) ng kasundaluhan sa pakikipagtulungan ng Municipal at Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC).
Kabilang sa isinukong armas ay isang M16A1 rifle, tatlong caliber .45 pistol, isang caliber .38 revolver, isang 5.56mm M16A1 rifle, dalawang M79 grenade launchers, apat na 12-gauge shotguns, apat na 12-gauge rifles, tatlong 12-gauge pistols at isang caliber .22 rifle.
Pormal na iprinisinta ang mga sumuko at kanilang armas kay Brigadier General Michael Santos, Commander ng 603rd Brigade, kasama sina Mr. Eric Van Christopher Zaragoza ng PTF-ELCAC Sultan Kudarat at Mayor Frederick F. Celestial ng Lebak, na siya ring Chairman ng MTF-ELCAC. Dumalo rin sa aktibidad ang nasa 100 katao, kabilang ang dating mass supporters, mga opisyal ng barangay at mga residente mula sa mga CSP-immersed barangays.
Pinuri ni Maj.Gen. Donald Gumiran, Commander ng 6ID at JTFC, ang pagsuko ng mga dating rebelde at aniya, “Ito ay isang malinaw na indikasyon na unti-unti nang nawawalan ng suporta ang mga teroristang grupo sa ating mga komunidad. Inaanyayahan ko ang mga natitira pa nating mga kapatid na hanggang sa ngayon ay nagiging biktima ng maling idolohiya, magbalik loob kayo sa pamahalaan at maging parte ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa ating rehiyon.”
Dagdag pa niya, magpapatuloy ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programa upang bigyan ng bagong pag-asa ang mga nagbalik-loob para sa isang normal at mapayapang pamumuhay.














