Isang anim na taong gulang na batang babae ang nasawi matapos barilin ng kanyang tatay na hinihinalang nagbaril din sa sarili sa loob ng kanilang bahay sa Sta. Cruz, Laguna, Miyerkules ng madaling-araw.
Ayon sa report ng Sta Cruz police, nangyari ang krimen sa bahay ng pamilya sa Barangay Bagumbayan alas- 4:20 ng madaling araw.
Umuwi umanong nakainom sa kanilang bahay ang suspek na isang security personnel sa Alabang, Muntinlupa City, pero sa hindi malamang dahilan ay nagkaroon sila ng pagtatalo ng kanyang misis na isang pulis naman ng Sta Cruz Municipal Police Station.
Ayon kay PLtCol Jack Angog, hepe ng Sta Cruz Police, naayos din umano agad ang pagtatalo ng mag-asawa at umalis na ang misis para para mag-duty sa police station.
Gayunman, lumitaw sa inisyal na imbestigasyon na pagkaalis ng ginang ay inakyat umano ng suspek sa kwarto ang kanilang anak na noon ay natutulog pa at walang sabi-sabing binaril ang bata.
Samanta ay natagpuan din umanong duguan ang suspek na may tama ng bala sa ulo .
Agad na isinugod ng mga rumespondeng kaanak sa Laguna Medical Center Hospital ang mag-ama pero pareho itong idineklarang dead-on -arrival ng doktor.
Patuloy pa rin ang sinasagawang imbestigasyon sa nangyari at ayaw pang magsalita ng misis na pulis tungkol sa kanilang pinag-awayan bago ang insidente at kung ano ang problema ng kanyang mister.
Narekober sa crime scene ang apat na basyo ng 9mm na baril. (Victor Baldemor)