Kalaboso ang isang 31- anyos na lalaki matapos na i-hostage ang kanyang 6- anyos na anak na babae, gamit ang “tari ” sa manok, kamakalawa ng hapon sa roofdeck ng Isang gusali sa No. 506 M.F.Jhocson St., Sampaloc ,Maynila.
Nasa kustodiya na ngayon ng Manila Police District -Police Station 14 ang suspek na si John Eric Morales, ng nasabing address.
Ayon sa MPD-PS14, alas -2 ng hapon nang maganap ang insidente sa roofdeck ng A.P. Morales Rental Building na matatagpuan sa parehong lugar.
Nakatanggap ng tawag ang MPD-PS14 mula sa isang concerned citizen na hinostage umano ng Isang lalaki ang kanyang anak na sa hindi malamang dahilan.
Inabutan ng mga pulis ang suspek na hawak pa nito ang anak at nakatutok sa noo ang tari ng manok,habang kinukumbinsi ng kanyang asawa na pakawalan na nito ang bata.
Pumosisyon na ang mga pulis at matapos na buksan ng suspek ang pintuan ay sinunggaban na ito ng mga nasabing pulis.
Nasa maayos na kalagayan ang bata na hindi naman nasaktan at dinala sa presinto ang suspek para sa kaukulang imbestigasyon at paghaharap ng kaso laban dito. (Carl Angelo)














