By: Jantzen Alvin
May kabuuang bilang na 59 na POGO workers ang naaresto kabilang ang 55 Chinese nationals, tatlong Malaysian at isang Filipino, sa isinagawang pagsalakay sa isang POGO hub ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Davao (NBI-11), nitong Biyernes sa Panabo City, Davao del Norte.
Isinagawa ang operasyon matapos isilbi ng NBI -11 ang search warrant laban sa POGO workers para sa kasong ‘syndicated estafa’ at online illegal gambling, in relation to Cybercrime Prevention Act of 2012.
Kumpiskado ang 50 computers at ilang ebidensiya sa POGO hub na naka set-up sa dalawang kuwarto na nasa loob ng bodega na may laking dalawang ektarya.
Ayon kay NBI Director Jimmu Santiago, maga-apply sila sa korte ng cyber warrant para mapayagan ang NBI Digital Forensics na ma-examine ang nilalaman ng computers para malaman kung ang mga computers ay sangkot sa POGO activities.
Nakakita pa umano ang NBI ng isang kuwarto na hindi pa tapos at parte ng expansion ng POGO hub.
Samantala, patuloy naman ang imbestigasyon ng NBI-11 sa POGO operation.














