By: JANTZEN ALVIN
Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes na mahigit sa 57, 000 botante ang pinahintulutan nilang makalahok sa local absentee voting (LAV) para sa 2025 midterm polls.
Ayon sa datos na ibinahagi mismo ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, nabatid na nasa kabuuang 57,689 LAV applications ang inaprubahan nila para sa May 12 National and Local Elections.
Sa naturang bilang, 1,005 ang media personnel; 29,030 ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kabilang ang Philippine Army (PA), Philippine Air Force (PAF) at Philippine Navy (PN) habang 23,448 ang mga miyembro naman ng Philippine National Police (PNP).
Samantala, mayroon rin namang 4,206 na kawani ng iba’t -ibang tanggapan ng pamahalaan, kabilang na rito ang Comelec, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon kay Garcia, ang voting period para sa absentee voters ay magsisimula sa Abril 28 at magtatapos hanggang sa Abril 30, 2025.
Aniya, ang LAV ay idaraos sa mga lugar ng mga requesting offices.
Para naman aniya sa media voters sa National Capital Region (NCR), ang mga balota ay ide-deliber sa Office of the Regional Election Director (ORED), kung saan idaraos ang botohan.
Ang mga media naman sa highly-urbanized cities (HUCs) na nasa labas ng NCR ay maaaring makaboto sa tanggapan ng Provincial Election Supervisors (PES) sa kani-kanilang lugar.
Samantala, ang mga media para sa iba pang lugar ay maaaring bumoto sa tanggapan ng local Offices of the Election Officers (OEOs).
Una nang sinabi ng Comelec na kabilang sa mga maaaring lumahok sa local absentee voting ay mga miyembro ng AFP, PNP, government offices at media practitioners na kinakailangang mag-duty sa mismong araw ng halalan.