Legal na ang pagsasama ng nasa 57 couples na naninirahan sa San Juan City.
Ito’y matapos na ikasal sila ni San Juan City Mayor Francis Zamora sa taunang Kasalang Panglungsod na idinaos kahapon sa San Juan Gymnasium, kasabay nang pagdiriwang ng Valentine’s Day.
Nabatid na ang bawat bagong kasal ay binigyan ng wedding cake, bouquet para sa bride, at cash gift mula sa city government.
Sinagot rin naman ng pamahalaang lungsod ang isang masaganang wedding reception matapos ang seremonya, kaya’t nabigyan ng pagkakataon ang mga bagong kasal na ipagdiwang ang mahalagang okasyon, sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay at mga bisita.
Ang naturang okasyon ay sinaksihan rin naman nina Congresswoman Bel Zamora, Vice Mayor Angelo Agcaoili at Maricel Caragan, Supervising Statistical Specialist ng Philippine Statistics Authority (PSA) at mga opisyal ng San Juan City.
“The Annual Kasalang Panlungsod continues to be a testament to the city’s dedication to promoting love, dedication and unity with the objective of strengthening the San Juaneño Family. We are looking forward to witnessing the beginning of 57 beautiful love stories on this momentous day,” ani Zamora.














