Heat stroke ang hinihinalang dahilan ng pagkasawi ng isang 57-anyos na lalaki na natagpuang walang damit pang-itaas at nakadapa sa sahig habang wala nang buhay, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.
Ang biktima ay kinilala ni PMSg Irene Jay Manalili, imbestigador ng Manila Police District -homicide section, sa alyas lamang na ‘Jay, ng Mabagos,Tondo, Maynila.
Ayon sa imbestigasyon, alas- 9:55 ng gabi nang madiskubre ang wala nang buhay na biktima ng kanyang kaibigang lalaki, matapos nitong buksan ang pintuan ng bahay ng biktima.
Bago niyan ay ilang beses umanong tinawagan ng saksi ang biktima sa labas ng bahay nito.
Kinabahan ito nang di sinasagot ng biktima ang tawag niya kung kaya napilitan itong buksan ang pintuan ng bahay at doon na tumambad ang wala nang buhay na biktima.
Ang kanyang bangkay ay dinala sa punerarya para sa awtopsiya.