Si Mayor Honey Lacuna habang pinasasalamatan ng nakatanggap ng housing unit. Kasama rin sa larawan si (kaliwa) MUSO chief Atty. Danny de Guzman at Vice Mayor Yul Servo.

LACUNA ADMINISTRATION, PINAKAMARAMING NABIGYAN NG LUPA SA MAYNILA

By: Jerry S. Tan

NAKAPAGTALA ng record ang administrasyon ni Manila Mayor Honey Lacuna bilang pinakamaraming naipamaging lupa sa mga residente ng Maynila na nakatirik ang bahay sa lupa na hindi naman kanila.

Batay sa records ng Manila Urban Settlements Office (MUSO) na pinamumunuan ni Atty. Dave de Guzman, ang administrasyon ni Lacuna ay nakapamahagi ng lupa sa halos 800 awardees sa ilalim ng “Land for the Landless Program (LLP)”, mula nang maupo ito bilang alkalde noong 2022.

Ayon kay De Guzman, sa kasalukuyan ay may kabuuang 775 LLP awardees na ang nabigyan ng lupa, at ito ay pinakamataas mula pa noong 1988 o sa nakalipas na mahigit tatlong dekada. Bago niyan, ang may pinakamaraming naipamahaging lupa ay sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Alfredo S. Lim.


Inihayag ni Lacuna na nakasalang na ang plano niyang ituloy ang LLP na kanyang sinimulan noong 2022, dahil layunin niyangbigyan ng pagkakataon ang mga pamilyang taga-Maynila na magkaroon ng sariling lupa o lote, partikular na ang kinatitirikan ng kanilang bahay, nang sa gayon ay di na sila mangangamba na anumang oras ay pupuwede silang paalisin ng may-ari ng lupa.

Kaugnay niyan ay inatasan ni Lacuna si Atty. De Guzman na ipagpatuloy lang ang pagtugon sa pangangailangan ng lungsod pagdating sa housing, kasabay ng pahayag na mas marami pang mga residente ng Maynila ang makakatanggap ng titulo ng lupa sa mga darating na araw.


“Sa kabila ng dagok na kinahaharap ng ating lungsod pagdating sa budget, ang MUSO po ay patuloy na nagtatrabaho nang todo upang matugunan ang ating housing backlog,”ani Lacuna, kasabay din ng kanyang kahilingan sa mga residente ng patuloy na suporta para sa katuparan ng mga programa ng kanyang administrasyon.

“Gaya ng lagi kong sinasabi, patuloy po nating isinusulong ang programang ito upang mas maraming Manileño ang magkaroon ng seguridad sa paninirahan,” pagtitiyak nito.


Sa ilalim ng LLP, ang mga residente ng Maynila na nakatira sa isang bahay na nakatayo sa lupa na pag-aari ng iba ay mabibigyan ng pagkakataon na maging may-ari ng nasabing lupa.

Tags: Manila Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read