TINANGGAP ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 55 toneladang gamit at mga pagkaing ipinahatid ng pamahalaan ng United Arab Emirates (UAE) para sa mga residente ng Albay na apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay
Kabilang sa ibinigay na donasyon ng UAE ay nasa 55 tonelada ng food relief na dumating pasado alas-5 kamakalawa ng umaga sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2, sakay ng Etihad Airways.
Sinalubong nina DSWD Secretary Rex Gatchalian, Interior Secretary Benhur Abalos, Transportation Secretary Jaime Bautista at UAE Ambassador Mohamed Obaid Salem Alqataam Alzaabi ang pagdating ng mga dumatin na donasyon.
Ayon kay Sec. Abalos, mahalaga ang naturang mga donasyon bilang pagpapakita ng pagkakaibigan ng dalawang bansa at naipaalam na rin aniya ito kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at nagpasalamat sa ibinigay na donasyon ng UAE.
Ang donasyong pagkain at mga gamot ay tinanggap nina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian, kasama sina Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos, at Department of Transportation (DOTr) Sec. Jaime Bautista.
Nagpasalamat si Gatchalian sa kabutihan ng UAE government at ng Royal family.
Sinabi ng kalihim na hiniling ni UAE Ambassador to the Philippines Mohamed Obaid Salem Alqataam Alzaabi sa kanilang pamahalaan na magpadala ng tulong sa Albay.
Agad naman anyang iniutos ni UAE President Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan ang shipment ng 50 tonelada ng pagkain at gamot sa loob ng 24 oras.
Dahil dito, sinabi ni Gatchalian na target naman ng DSWD na maipadala ang kargamento sa probinsya aa loob din ng 24 oras.














