Latest News

515,000 KATAO APEKTADO NG BAGYO – NDRRMC… PAGBAHA MAGPAPATULOY PA

By: Victor Baldemor Ruiz

UMAKYAT na sa 140,101 pamilya o katumbas ng mahigit 515,000 indibidwal ang naaapektuhan ng Bagyong Goring, Bagyong Hanna at habagat sa bansa na posibleng lumobo pa dahil sa patuloy na mga pagbaha pa sa ilang lalawigan .

Batay ito sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa datos ng NDRRMC ang nasabing bilang ng mga apektadong residente ay mula sa 1,756 na mga barangay sa Regions 1, 2, 3, 6, CALABARZON, MIMAROPA, Cordillera Administrative Region at National Capital Region.


Nasa 915 pamilya o mahigit 3,200 indibidwal ang pansamantalang sumisilong sa 52 evacuation centers. Samantala nananatili rin sa dalawa ang naiulat na nasawi, isang sugatan at isa ang nawawala.

Samantala, maaaring magpatuloy pa ng ilang araw ang mga pagbaha sa ilang lalawigan dahil patuloy pa ring nagpapakawala ng tubig hanggang kahapon ang tatlong pangunahing dam sa Luzon matapos maabot ang spilling level ng mga ito.

Ayon sa PAGASA-Hydrometeorology, isang gate ang binuksan nitong mga nakalipas na araw sa Ipo Dam na may kasalukuyang .30 meters sa opening gate nito.

Samantala, apat na gate naman ang binuksan sa Ambuklao Dam na may opening na dalawang metro at Binga Dam na binuksan ang tatlong gate.


Matandaan kahapon dahil sa walang tigil na pag-ulan ay umakyat ang lebel ng tubig sa tatlong dam at nanatili sa high level.

Sa huli ayon sa ahensya, nakitaan ng pagtaas sa lebel ng tubig ng iba pang mga dam na naaapektuhan sa tuloy-tuloy na pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon.

Tags: National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC)

You May Also Like

Most Read