Nasa may 5,000 miyembro ng Philippine National Police(PNP) na kinabibilangan ng 3,000 puwersa ng Manila Police District (MPD) at 2,000 augmentation force mula sa iba’t -ibang units ang magbabantay para sa seguridad sa kapistahan ng Poong Itim Nazareno sa Enero 9 sa Maynila.
Ayon kay MPD Director PBGen Andre Dizon, gaganapin ang send-off ceremony sa Enero 5 sa may Quirino Grandstand ganap na alas-3 ng hapon.
Ang mga pulis ay itatalaga sa Quirino Grandstand kung saan magsisimula ang ‘Walk of Faith’ at sa bisinidad ng Simbahan ng Quiapo.
Nabatid na walang ipu-prusisyong replika ng Itim na Nazareno at walang magaganap na ‘Traslacion’.
Tiniyak naman ni Dizon na nakalatag na ang seguridad sa Kapistahan ng Itim na Nazareno.
Nanawagan rin si Dizon sa mga deboto na huwag magsuot ng mamahaling alahas at magsama ng mga bata. (JERRY S. TAN)














