NASA limang daang kasapi ng Philippine National Police ang inerekomenda sa tanggapan ni PNP chief General Rommel Francisco Marbil na sibakin sa serbisyo bunsod ng mga kasong kinakaharap ng mga ito .
Ang 500 cops na pinapatanggal sa serbisyo ay kabilang sa mahigit 6,000 pulis na may kasong administratibo sa PNP Internal Affairs Service na tanggalin sa serbisyo.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty. Brigido Dulay, nasa 6,256 ang nasampahan nila ng kaso sa loob dalawang taon simula July 2022 hanggang sa kasalukuyang buwan July 2024 sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Ang pinakamataas na nacharge at naparusahan sa amin sa IAS side is colonel, third level officer yun. Marami ito but mostly in terms of number talagang PNCOs ang pinakamarami because those from the rank mga patrolman to sergeant, executive master sergeant” ani ni Dulay.
Sa nasabing bilang, 2,551 na ang kanilang naparusahan kabilang ang 572 na inirekomendang tanggalin sa serbisyo.
Nasa 260 ang pinapa-demote at nasa 1,418 ang pinasususpinde.
Nabatid pa n amula nitong buwan ng Enero hanggang Hulyo 2024, umabot na sa 2,591 ang nakasuhan.
Sa nasabing bilang, nasa 250 ang naparusahan kung saan 208 dito ay mga police non- commissioned officer at 42 ang police commissioned officer o opisyal ng PNP.
Sa 250 na nabigyan ng parusa, 47 ang inirekomendang alisin sa serbisyo, 20 ang pinatawan ng demotion at 140 ang pinatawan ng suspension.
Kabilang sa mga awtomatikong napapatawan ng dismissal from the service ay ang mga pulis na napatunayang sangkot sa mga kasong murder, iligal na droga, extortion at iba pang grave offenses, ayon sa IAS.
Sinabi pa Nin Dulay na hindi makakatanggap ng benepisyo ang mga pulis na matatanggal sa serbisyo.
“Kapag dismissal ang offense forfeiture of benefits na ito, wala na makukuhang benepisyo, dishonorable discharge. Ito ay perpetual disqualification from government service so mahirapan siya makabalik sa serbisyo sa gobyerno at maaari pang pag ugatan ng isang kasong kriminal. So mabigat ang dismissal,” paliwanag ni Dulay.














