Aabot sa 500 hanggang 700 Persons Deprived of Liberty (PDLs) ang nakatakdang palayain ng Bureau of Corrections (BuCor) ngayong Disyembre.
Napag-alaman kay BuCor officer-in-charge Gregorio Catapang na aabot umano sa 500 hanggamg 700 PDLs ang posibleng lumaya mula sa iba’t- ibang prison at penal farms.
“Pero as much as 500 to 700 ang gusto namin mapalaya this end of the year. Bago mag Pasko o bago mag New Year,” ani Catapang .
Sinabi ni Catapang na bibigyan ng executive clemency ang mga PDLs na nasa edad 70 pataas para mabawasan ang pagsisikip sa.mga kulungan.
“May batas naman po na ‘pag 70 years old up ka, puwede ka mag-apply for parole or clemency so sa dami po ng mga PDLs natin na 65 to 70 years old above… eh balak po namin na i-apply po sila,”ayon kay Catapang.
Sinabi pa nito na halos lahat ng penal colonies, kasama na ang New Bilibid Prison (NBP), ay “super congested.”
Kaugnay nito, nabatid na nagpalabas ng P300 milyon para sa konstruksiyon ng mga kulungan.
Sa sandaling matapos na ang konstruksiyon ng gusali, aabot sa 1,000 hanggang 1,500 inmates ang mailalagay doon.
“So kung pagsama-samahin ninyo po ‘yung tatlong colonies na nabigyan ng P300 million para mag-construct ng bagong building, more or less mga 4,000 po ‘yun na pwedeng pag lipatan ng mga inmates natin dito sa NBP,” dagdag pa Catapang. (Carl Angelo)