Latest News

50 KATAO, PINANGANGAMBAHANG NASAWI O NAWAWALA SA MACO LANDSLIDES

By: Victor Baldemor Ruiz

POSIBLENG umakyat sa mahigit 50 katao ang pinangangambahang nasawi o nawawala sa naganap na massive landslide sa bayan ng Barangay Masara, sa bayan ng Maco, Davao de Oro.

Ayon sa local Office of Civil Defense, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang rescue Operations ng Eastern Mindanao Command katuwang ang mga provincial rescue teams para sa nalalabing 44 tauhan ng APEX Mining na na-trap sa nasabing landslides kung saan may dalawang bus din ang natabunan.

Nasa pitong katao na ang inulat na nasawi na nakuha sa ilalim ng guho ayon sa EASTMINCOM.

Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Exec. Dir. Usec. Ariel Nepomuceno, nagtutulong-tulong ang mga kinauukulang ahensya upang marekober ang mga biktima kasunod ng mahigpit na tagubilin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para hanapin at iligtas ang mga nawawala o na-trap sa pagragasa ng bato at lupa bunsod ng nararanasang tuloy-tuloy na pag-ulan dala ng shearline at buntot ng low pressure areas.

Sa ngayon ani Nepomuceno, 19 ang binabantayang sugatan kung saan tatlong indibidwal ang napaulat na nasa kritikal na kondisyon.

Nasa 430 pamilya o katumbas ng 1,590 indibidwal mula sa tatlong barangay sa Maco, Davao de Oro ang apektado ng landslide kung saan pansamantalang nanunuluyan ang mga ito sa limangevacuation centers.

Nakapagtala rin ng 62 na totally- damaged na mga kabahayan.

Samantala, nakapagbigay na ang pamahalaan ng inisyal na P190 milyon na tulong sa mga apektadong pamilya sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Bukod sa naganap na pinakahuling pagguho ng lupa sa bayan ng Maco ay umaabot na sa 78 landslide incidents at 70 floods ang naitala sa mga lalawigang sakop ng Davao at Caraga Region kung saan ay nasa 16 katao naman ang inulat na nasawi at lima ang sugatan.

Tags:

You May Also Like

Most Read