50 BUHAY NA TORTOISE, KUMPISKADO SA MALAYSIAN NA DUMATING SA NAIA

By: Jerry S. Tan

NASABAT ng mga tauhan ng Bureau of Customs- Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang 50 buhay na Indian Star Tortoise na nakatago sa bagahe ng isang pasaherong Malaysian na dumating ito sa NAIA Terminal nitong Biyernes, June 12, 2026.

Ayon sa ulat mula sa tanggapan ni BOC-NAIA District Collector Atty. Yasmin Mapa, nagsimula ang pagsabat sa arrival area nang magsagawa ang Customs examiner ng regular na x-ray screening sa mga bagahe ng nasabing pasahero at nakita ang mga kahina-hinalang laman ng mga ito.


Kasunod ng manu-manong inspeksyon sa BOC Inspection Room, natuklasan ng mga awtoridad ang 50 buhay na Indian reptiles.

Kaagad na naglagay ng perimeter security ang mga tauhan ng PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP), NAIA Police Station 1 at tumulong ang mga ito sa paunang imbestigasyon. Naabisuhan din ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at agad itong rumesponde.

Ayon kay Mapa, ang pasahero ay dumating sakay ng eroplano mula sa Bangkok, Thailand. Nang hingin na ipakita ang mga kinakailangang permit at dokumento sa transportasyon para sa mga specimen ng wildlife, nabigo siyang magbigay ng anumang dokumento.


Ang mga nailigtas na reptiles ay dinala sa DENR para ilipat sa Wildlife Rescue Center sa Quezon City para sa wastong pangangalaga at disposisyon, habang inihahanda ang mga naaangkop na kaso laban sa suspek para sa umano’y paglabag sa R.A. 9147 (Wildlife Resources Conservation and Protection Act) at R.A. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).


Tags: Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA)

You May Also Like

Latest News