AGAD na nasawi ang isang 50-anyos na babae matapos na tumalon mula sa ika-39 na palapag ng isang condominium unit sa Malate, Maynila nitong Miyerkules ng hapon.
Nagkalasog-lasog ang katawan ng biktima na diumano ay ipinanganak sa Indonesia at huling nanirahan sa A. Bonifacio St., San Dionisio, Parañaque City.
Ayon sa ulat ni PMSG Roderick Magpale ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-5:25 ng hapon nang maganap ang insidente sa ika-39 na palapag ng Admiral Baysuites, isang condominium building sa Aldecoa St., sa Malate, Maynila.
Huli umanong nakitang buhay ang biktima alas-7:30 ng umaga ng Miyerkules nang magcheck-in bilang Air BNB guest sa isang condominium unit ng gusali.
Ayon sa may-ari ng unit, bago ang insidente ay nagpa-book sa kanyang condo unit ang biktima, may isang linggo na ang nakakaraan at sinabing may mga aasikasuhin lamang siya, base sa utos ng kanyang Australyanong amo na nais bumili ng condo unit sa Maynila.
Gayunman, kinahapunan, habang nagbabantay sa lobby ang duty guard na si Wilbert Villamor, ay nakarinig umano siya ng malakas na lagabog sa harapan ng gusali.
Nang alamin kung ano ang pinagmulan ay dito na niya nakita ang lasog-lasog na katawan ng biktima kaya’t kaagad itong ipinagbigay-alam sa pulisya.
Ayon sa mga kaanak ng biktima, matagal nang dumaranas ng depresyon ang biktima na nagsimula sa pagkamatay ng kanyang mga magulang noong 2013, at sumasailalim ito sa psychiatric treatment at medikasyon.