WALANG cover-up sa imbestigasyon.
Ito ang ginawang pagtiyak kahapon ni Philippine National Police chief Police General Rodolfo Azurin Jr., kasunod ng pahayag na paiimbestigahan niya ang sabay sabay na pag absent ng limang police security ni Negros Oriental Governor Roel Degamo noong araw na nilikida ito.
Kasunod ito ng naging panawagan ng ilang mga mambabatas na dapat din imbestigahan ng PNP pagkawala ng mga police escort ni Gov Degamo nuong mismong araw ng asasinasyon.
Sa ginanap na pulong balitaan ay inihayag ni Gen Azurin na ipinag-utos na niya ang pag-iimbestiga sa mga nasabing pulis.
Ayon kay PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo, batay sa kanilang inisyal na impormasyon mayroong umanong apat na security ang naka-detail kay Governor Degamo ngunit magkaka-relyebo umano ang mga ito.
Nakatakdang humarap ngayon ang limang security detail sa House of Representatives upang maipaliwanag ang dahilan ng kanilang hindi pag- duty noong March 4, 2023.
Samantala, bukod dito ay iniulat din ni Fajardo na patuloy pang tinutugis ng kapulisan ang nasa 12 pang mga suspek na may kinalaman sa naturang pamamaslang, batay na rin sa mga rebelasyong isiniwalat ng mga salarin na hawak at nasa kustodiya ngayon ng mga otoridad. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














