MAY lima pang karagdagang bagong kaso ng Omicron subvariant BA.2.12.1 ng COVID-19 ang natukoy ng Department of Health (DOH) sa Western Visayas.
Sa isang DOH briefing nitong Martes, sinabi ni Health Promotion and Communication Service Director Dr. Beverly Ho na ang mga bagong kaso ng sakit ay kinabibilangan ng tatlong fully vaccinated returning overseas Filipinos (ROFs) na mula sa Estados Unidos at mula sa iisang tahanan lamang.
Natukoy rin virus sa dalawang fully vaccinated locals na nakatira rin sa iisang bahay.
Tiniyak naman ni Ho na ang lahat ng mga kasong ito ay nakatapos na ng kanilang home isolation at ikinukonsiderang asymptomatic at recovered na.
“May total po tayong seven close contacts. Ang lahat ng ito ay tapos na rin sa kanilang isolation and are now tagged as recovered,” ani Ho.
Ani Ho, sa pitong close contacts, dalawa ang nakasalmuha ng local cases habang lima naman ang nakasalmuha ng tatlong ROFs.
Dahil sa naturang limang bagong kaso, umaabot na ngayon sa 22 ang total cases ng Omicron subvariant BA.2.12.1 sa bansa. (Philip Reyes)














