Lumabas na ngayong araw sa Tondo Medical Center sa Maynila ang lima sa walong pasyente na kabilang sa na-food poisoning matapos na makakain ng chicken mami noong Hulyo 20.
Ayon sa update ina nilabas ng Department of Health (DOH), nasa stable na ang kondisyon ng walong pasyente at ang isa umanong pasyente na naintubate noong ini-admit ay extubated na sa ngayon.
Nabatid na nagsagawa na rin ng cyanide test sa mga pasyente na nakakain ng chicken mami at lalabas umano ang resulta ng isinagawang pagsusuri sa ikalawang linggo ng Agosto.
Magugunita na 15 magka-kapitbahay ,kabilang na ang tindera ng chicken mami na si Joy Dela Vega, ang isinugod sa pagamutan nang makaramdam ng pagkahilo at pagsusuka matapos na kumain ng chicken mami
Nasawi rin si Josefina Manila, taga 350 Cavite St.Gagalangin,Tondo na isang person with disability dahil sa kinaing chicken mami. (Philip Reyes)