MAY limang katao ang masasampolan ng Commission on Elections (Comelec) at sasampahan ng kaso dahil sa pagpapakalat umano ng ‘fake news’ sa social media ukol sa darating na National at Local Elections sa Mayo 9.
Sinabi ni Commissioner George Garcia na inilapit na nila sa National Bureau of Investigation (NBI) noong nakaraang linggo ang kaso laban sa mga netizen na sinisiran umano ang kredibilidad ng komisyon at ng proseso ng halalan.
“Asahan po ninyo na in the next succeeding days, even after the elections, we will be filing cases against these individuals simply because mali po ‘yung ginagawa nila,” banta pa ni Garcia.
Ngunit nilinaw ni Garcia na tanging habol lamang ng poll body ang mga nagpapakalat ng mga ‘fake news’ at hindi layong pigilan ang mga kritisismo o komentaryo laban sa kanila.
Napakahalaga umano ng malayang pamamahayag at ginarantiyahan na hindi sila magkakaso sa mga taong nagbibigay lamang ng opinyon.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, ang mga mapapatunayang nagpapakalat ng disimpormasyon sa mga botante ay maaaring makulong ng mula isa hanggang anim na taon. (Carl Angelo)














