Latest News

5 NA PATAY… OCD BINISITA ANG BATANES BILANG HARDEST-HIT AREA NI ‘JULIAN’

By: Victor Baldemor Ruiz

PINANGUNAHAN ni Office of Civil Defense (OCD) Executive Director Undersecretary Ariel Nepomuceno ang pagbisita sa isa sa mga hardest- hit area ng nagdaang Typhoon Julian ang lalawigan ng Batanes na nasa ilalim ngayon ng state of calamity.

Lulan ng isang C-130 Cargo Plane ng Philippine Air Force (PAF) ay nagtungo ang team ng OCD ilang araw matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Julian sa probinsya ng Batanes.

Layunin ni Usec Nepomuceno na alamin ang lawak ng pinsalang inabot ng Batanes at mamahagi ng mga tulong sa mga residente.


Laman ng naturang cargo plane ang mga food packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), shelter repair kits at mga makakapal na tarpaulin na gagamitin sa paggawa ng temporary shelter para sa mga residenteng nawalan ng tahanan.

Una rito ay nagdeklara na ng state of calamity sa lalawigan ng Batanes dahil sa malawak na pinsalang idinulot ng pananalasa ng bagyong Julian.



Maliban sa relief operation, magsasagawa rin ang naturang team ng assessment sa pinsalang iniwan ng naturang bagyo sa probinsya.

Una nang ipinag-utos ni Defense Sec. Gilberto Teodoro, Jr. ang mabilisang rehabilitasyon sa probinsya ng Batanes, kasunod ng naging pananalasa ng naturang Super Typhoon.


Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council-Emergency Operations, nasa 172 pamilya ang na-displace at mahigit 1,000 kabahayan ang nawasak o bahagyang napinsala.

Umakyat naman sa lima ang bilang ng nasawi habang may isa pa ang reported missing .

Nagdala rin ang grupo ng mga generator sets para magamit sa pagbibigay ng elektrisidad dahil sa labis na napinsala ang power sector ng naturang probinsya.

Pumalo naman sa P611 million ang pinsala sa mga ari-arian sa lalawigan.

Ang deklarasyon ng state of calamity sa probinsiya ay magbibigay- daan sa provincial government para gamitin ang quick response fund nito para bilisan ang pagpapatupad ng disaster response at recovery measures.

Samantaala, nag-iwan din ng malaking halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura ang pananalasa ng bagyong Julian sa Pilipinas.

Base sa damage assessment ng Department of Agriculture, pumalo na sa P36.34 million ang halaga ng mga nasirang pananim sa 577 ektarya ng agricultural areas sa Ilocos region at Cagayan valley.

Bunsod nito, apektado ang kabuhayan ng nasa 1,000 magsasaka. Bilang tulong, naghanda ang Department of Agriculture ng P143.26 million na halaga ng bigas, mga binhi ng mais at mga gulay na ipapamahagi sa mga apektadong magsasaka.

Gayundin, sa kasalukuyan ay patuloy pa ring nakakaranas ng masungit na lagay ng panahon sa ilang bahagi ng bansa matapos muling pumasok sa Philippine Area of Responsibility ang bagyong Julian nitong umaga ng Huwebes.

Tags: Office of Civil Defense

You May Also Like