5 miyembro ng APD ni-relieve

By: Jerry S. Tan

LIMANG miyembro ng Airport Police Department (APD) ang ni-relieve ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Eric Ines, matapos kasuhan ng PNP – Aviation Security Group dahil sa pangingikil diumano sa isang Chinesena naghatid ng kaibigan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3.

Napag-alaman kay LTC Alfred Lim, hepe ng PNP AVSEGROUP, reklamong robbery extortion ang kanilang inihain sa Pasay City prosecutors’ office noong Miyerkoles matapos makunan ng salaysay ang hindi tinukoy na biktima.

“While the Chinese national has lodged a complaint against the five before the PNP Aviation Security Group, the MIAA is now conducting its own investigation on the incident. A review of CCTV coverage covering the area of the incident will form part of the probe,” ani Ines sa isang statement.


Sinabi ng biktima sa reklamo na nangyari ang insidente bandang alas-6 ng gabi noong Pebrero 4 sa departure area ng NAIA terminal 3.

Diumano, maghahatid lamang ang biktima sa kanyang kaibigan na isa ring Chinese nang lapitan sila at sitahin ng limang miyembro ng APD at hinanapan ng pasaporte.

Dahil di naman siya pabiyahe, litrato na lamang sa cellphone ang kanyang ipinakita pero sa kabila nito ay dinala pa rin umano siya ng mga APD sa ikaapat na palapag ng NAIA Terminal 3 at doon ay gumamit umano ng translator app ang mga suspek para sabihan ito na makukulong siya kung hindi magbibigay ng P15,000 para sa kanyang kalayaan.

Dala ng takot ay nagbigay umano ng biktima ng nasabing halaga bago tumuloy sa pulisya para magreklamo.


Tags: Airport Police Department (APD)

You May Also Like

Most Read