INIHAYAG ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, Jr., na may kabuuang 493 local government units (LGUs) sa buong bansa ang kwalipikado para sa 2023 Seal of Good Local Governance (SGLG).
Inihayag ng kalihim na may 28 probinsya, 64 lungsod at 401 munisipalidad ang SGLG awardees ngayong taon, kung saan nasa 94 LGUs ang nakakuha ng parangal sa unang pagkakataon.
Nanguna ang Central Luzon sa listahan ng mga awardees na may 84, sinundan ng Ilocos Region na may 70 at Cagayan Valley na may 41.
Labing-isang lungsod ng Metro Manila din ang nakakuha ng parangal at ang mga ito ay ang Caloocan, Malabon, Mandaluyong, Marikina, Muntinlupa, Navotas, Pasay, Pasig, San Juan, Quezon City at Valenzuela.
Nilinaw ng kalihim na ang mga pinahusay na pamantayan ng pagganap ng SGLG ay nakatuon sa pagsisikap ng mga LGU sa pagtugon sa mga kasalukuyang hamon sa lokal na administrasyon at paghahatid ng serbisyo- publiko.
Pinagtibay sa pamamagitan ng Republic Act 11292, na ang SGLG ay isang institutionalized award, incentive, honor at recognition-based program na naghihikayat sa mga LGU na paunlarin at pagbutihin ang kanilang pagganap sa iba’t- ibang larangan ng pamamahala.
Lahat ng LGU awardees ay tatanggap ng SGLG marker at SGLG Incentive Fund na P4 milyon para sa mga probinsya, P2.3 milyon para sa mga lungsod at P1.8 milyon para sa mga munisipalidad.
Ang 2023 SGLG national awarding rites ay gaganapin sa Manila Hotel sa Disyembre 13-14.