DINALUHAN mismo ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., ang isinagawang mid-year Command Conference ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kahapon, para rebisahin ang kinahinatnan ng kampanya at mga programa ng Hukbong Sandatahan nitong nakalipas na anim na buwan.
Pinangunahan ni AFP chief of Staff General Romeo Brawner Jr. ang conference na dinaluhan ng mga senior military officers mula sa General Headquarters, AFP-wide Support and Separate Units, Major Services at Unified Commands, kasama ang mga pinuno ng army, air force at naval units.
Sa nasabing pagpupulong ay inilahad ng mga ‘ground commanders’ ang kanilang detalyadong updates sa kani-kanilang respective operations at assessment sa internal and external security threats. Iprinisinta rin ang kabuuan ng naganap na Exercise Balikatan 39-2024 sa pangulo.
Sa nasabing command conference ay tiniyak ni Presidente Marcos, Jr. ang tuloy-tuloy na suporta ng kanyang administrasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), partikular ang pagpapalakas sa cybersecurity.
Binigyang-pagkilala at pinasalamatan din ng pangulo ang lahat ng bumubuo ng Sandatahang Lakas sa kanilang kabayanihan at katapangang ipinamalas sa pagbaka sa local insurgency at pagdepensa sa “national territory.”
“We are grateful for the guidance of the President. As our Commander-in-Chief, his directives will shape our future plans and programs. We remain steadfast in aligning our efforts with his vision for a secure and peaceful nation,”pahayag ni General Brawner Jr.














