NASA 47 senatorial aspirants ang tinanggal ng Commission on Election sa senatorial list na pawang idineklarang ‘nuisance’ ayon sa updated SPA petitions in relation to the 2025 NLE ng COMELEC.
Inihayag ni Comelec Chairman George Garcia na lubhang mahalaga na tanggalin sa listahan ang mga nuisance candidate sa balota para maiwasan ang posibleng makagulo sila sa proseso o pagmulan ng hidwaan sa mga lehitimong kandidato na apektado sa pagsisingit ng mga panggulo lamang na pangalan, at higit sa lahat ay maiwasang makalito sa mga botante.
Isa sa mga basehan na maaaring ideklarang nuisance candidates ang mga kandidato ay may kaparehong pangalan ng ibang kandidato ayon sa Omnibus Election Code, na ang pakay ay magdulot ng kalituhan o magbawas ng boto mula sa isa pang kandidato.
“Minsan, ‘yung maling kandidato ang naiproklama, lalo na kung ito ay kaparehas na pangalan” sabi pa ni Garcia.
Bukod dito may mga tao rin umano na wala talagang layunin na kumandidato para sa isang elective position pero nag-file ng certificate of candidacy (COC) para lamang magpasikat o magpapansin.
Ayon kay Comm Garcia, ang deklarasyon ng pagiging ‘nuisance candidate’ ay nakasaad sa Omnibus Election Code na nagpapahintulot sa Comelec sa sarili nitong inisyatiba o dahil sa isang beripikadong petisyon na tanggihan o kanselahin ang kandidatura ng ilang mga aspirante upang mapanatili ang integridad at dignidad ng halalan.