Namatay sa kamay ng sariling pinsan ang isang 46-anyos na lalaki, matapos itong pagtripang saksakin ng kanyang pinsan, kamakalawa ng gabi sa may Stay. Cruz, Maynila.
Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Tondo, ang biktimang si Ariel Bautista, Sr., ng No. 2450.Kalimbas St., Sta. Cruz, Maynila.
Arestado naman sa isinagawang follow-up operation ang suspek na si Bernardo Polido, 32, ng 1725 Antipolo St. Sta. Cruz, Maynila.
Sa imbestigasyon ni PSMS Jansen Rey San Pedro ng Manila Police District -homicide section, naganap ang insidente alas- 9:15 ng gabi sa panulukan ng P. Guevara at New Antipolo Streets sa Sta .Cruz, Maynila.
Nakikipag-inuman umano ang biktima sa kanyang mga kaanak nang dumating ang suspek at bigla na lamang inundayan ng saksak sa dibdib ang biktima.
Duguang bumagsak ang biktima at mabilis na dinala ng kanyang mga kaanak sa pagamutan, habang tumakas naman ang suspek na naaresto rin kalaunan.
Nang madakip, sinabi ng suspek na nagkabiglaan lamang at wala naman silang alitan ng biktima.
Ang suspek ay sinampahan na ng kasong murder sa Manila Prosecutor’s Office.