Umaabot na sa 418 ang kabuuang bilang ng mga aksidente sa kalsada na naitala ngayong holiday season, matapos na madagdagan pa ng 68 bagong kaso, ayon sa Department of Health (DOH).
Ang naturang kabuuang bilang ay naitala simula Disyembre 22 lamang hanggang 6 a.m. ng Disyembre 29 at ito ay 38% na mas mataas kumpara sa bilang na naitala sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.
Ayon sa DOH, sa kabuuang bilang ng road accidents ay291 ang kinasangkutan ng mga motorsiklo habang 70 naman ang mga kaso kung saan ang driver ay nasa ilalim ng impluwensiya ng alkohol.
Nasa 356 naman ang kaso na nadiskubreng hindi gumagamit ng safety accessories nang maganap ang aksidente.
Kaugnay nito, muli namang pinaalalahanan ng DOH ang publiko na palagiang magsuot ng helmet at seatbelt kung sasakay ng motorsiklo o anumang uri ng behikulo.
Kung nakainom naman ng alak, dapat na iwasan ang pagmamaneho upang makaiwas sa aksidente.
Dagdag pa ng DOH, dapat ring sundin ng mga drivers ang speed limits at road signs, at tiyaking may sapat na tulog bago magmaneho.
Sakali namang magkaroon ng emergency sa kalsada, maaaring tumawag sa 911 emergency hotline o 1555 DOH emergency hotline, ayon sa DOH.














