NANANATILING naka-heightened alert ang buong puwersa ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa paggunita ng sambayanang Pilipino ng Semana Santa bukod pa sa umiiral na campaign period para sa May 2025 Midterm election.
Ngayong Holy Week ay layon ng PNP na matiyak ang seguridad at kapayapaan sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng tao na magsasamantala sa mahabang bakasyon.
Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, mahigit 40,000 mga pulis ang kanilang idineploy ngayong Semana Santa.
Inihayag ni PBGen. Fajardo na paiigtingin ang seguridad sa mga transportation hubs, mga pangunahing lansangan, tourist spots at mga simbahan at iba pang ‘places of convergence’ na inaasahang dadagsain ng mga tao ngayong Mahal na Araw.
Sinabi ni Fajardo na ang pagde-deploy ng sapat na puwersa ng mga pulis ay upang matiyak ang seguridad at kaayusan ngayong Holy Week.
Magugunitang simula pa noong April 1 ay nakataas na sa heightened alert ang status ng buong pwersa ng PNP, na nangangahulugang 75 percent na ang deployment ng kanilang pwersa. Ito ang panahon na wala na ring pinayagang mag-leave maliban na lamang kung emergency ang dahilan.
Inatasan din ang mga field at unit commander na magsagawa ng security assessment sa kanilang mga nasasakupan bilang bahagi ng security preparation sa kani-kanilang mga lugar.