Latest News

40 HIGH-POWERED FIREARMS, ISINUKO

By: Victor Baldemor Ruiz

Bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya laban sa mga ilegal na armas, lalo na ngayong nalalapit na ang May 12 midterm election, mahigit 40 kagamitang pandigma ang isinuko sa himpilan ng 7th Infantry (Tapat) Battalion sa Brgy. Kapaya, Bagumbayan, Sultan Kudarat nito lamang Marso 24, 2025.

Ayon kay Lt. Col. Tristan Rey Vallescas, pinuno ng 7IB, ang pagsuko ng pitong high-powered firearms, 34 low-powered firearms at apat na pampasabog ay resulta ng mas pinaigting na Small and Light Weapons (SALW) Management Program.


Napag-alaman na mismong mga punong barangay at lokal na lider mula sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan ang nagboluntaryong isumite ang mga kagamitang pandigma, kabilang ang dalawang M79 grenade launcher, 33 piraso ng 12-gauge shotgun, isang 5.56mm Rifle, isang Cal. 50 Barrett Rifle, tatlong rifle grenade, isang RPG Rocket Grenade, isang 7.62mm M14/Single Shot Rifle, isang 5.56mm Pistol at isang 5.56mm M16 Rifle.

Ang mga isinukong armas ay itinurn-over kay Brigadier General Michael Santos, Commander ng 603rd Brigade, sa pamamagitan ni Col. Ali Luis D. Macawaris, Deputy Brigade Commander.

Kasama rin sa seremonya sina Police Executive Master Sergeant Mier Laguda Asug ng Bagumbayan MPS at Noel F. Fuentes, SB Member ng Bagumbayan.


Pinuri naman ni Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6ID at JTF-Central, ang magandang halimbawa ng mga pinuno ng barangay bilang pagsuporta sa paglansag sa mga di -lisensyadong mga baril sa lalawigan ng Sultan Kudarat.

“Ang matagumpay na pagsuko ng mga kagamitang pandigma ay isang malaking hakbang tungo sa mas mapayapang Sultan Kudarat. Ipinapakita nito ang tiwala ng ating mga lokal na lider at mamamayan sa ating pamahalaan at kasundaluhan. Pinupuri ko ang 7th Infantry Battalion sa kanilang dedikasyon sa pagpapatupad ng kampanya laban sa loose firearms. Patuloy tayong magtutulungan upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa ating rehiyon,” pahayag ni Maj. Gen. Gumiran.


Tags: Lt. Col. Tristan Rey Vallescas

You May Also Like

Latest News