Dinakip ng mga ng Smokey Mountain Police Community Precinct ang isang 40- anyos na basurero matapos nitong pagsamantalahan ang isang 13-anyos na dalagita na anak pa mandin ng kanyang kumpare at kaibigan din mismo ng kanyang anak.
Naganap ang panggagahasa nang magpahinga at makatulog sa loob ng kanilang bahay ang biktima noong Miyerkules ng madaling araw sa Tondo, Maynila.
Naka-detine sa Manila Police District -Police Station 1 ang suspek na si Juanito, ng Cluster 4 Maralla, Brgy 128 ,Tondo, Maynila.
Napag-alamang kasama ng biktima ang kanyang ina nang magreklamo sa SM-PCP.
Ayon sa biktima, nagpapahinga siya sa bahay ng kaibigan nang maramdaman niya dakong alas- 2 ng madaling araw na may humahalik sa kanyang leeg.
Tinangka umano ng biktima na pumalag ngunit sinabihan siya ng suspek na maglalaro lamang sila at nagawa nitong hubaran ang biktima at molestiyahin.
Nang makaraos ay pinagbantaan pa umano nito ang dalagita na huwag magsusumbong sa kanyang ina dahil papatayin siya at kahit na makulong ay babalikan siya.
Napilitan ang biktima na sabihin sa isang Jeffrey Corpuz ang nangyari, nang tanungin siya nito kung bakit parang pagod, nauuhaw at tulala ang biktima.
Sinabi ito sa ina ng biktima na kaagad nagtungo sa PCP para ireklamo ang suspek.
Sinampahan ng kasong statutory rape sa Manila Prosecutor’s Office ang suspek.














