AGAD na nasawi ang isang 40- anyos na tindera nang pagbabarilin ng suspek na nagpanggap pang kostumer, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.
Ang biktima ay kinilala ni PCMS Niño Baladjay, imbestigador ng Manila Police District -homicide section, na si Rosette de Castro, ng 725 Interior 44 Laong Nasa, Brgy. 155, Zone 14, Tondo.
Nasawi ito dahil sa mga tama ng bala sa iba’t -ibang bahagi ng kanyang ulo at katawan habang nakatakas naman ang dalawang di kilalang salarin na ang isa ay inilarawang nasa hanggang 5’6” ang taas at nakasuot ng itim na jacket, at itim na short pants at tsinelas, habang ang isa pa ay may taas na hanggang 5’7”, nakasuot ng puting t-shirt, kulay grey na jacket at itim na shorts na may red lining at tsinelas.
Napag-alaman sa MPD na alas-7:45 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa loob ng tindahan ng biktima.
Ayon sa imbestigasyon, nagbabantay ang biktima sa kanilang tindahan habang naghahanda naman ng pagkain ang kanyang live-in partner na si Christian, nang dumating ang dalawang di kilalang lalakng nagpanggap na kostumer at bumili ng sigarilyo.
Laking gulat umano ng mga saksi nang biglang bumunot ng baril ang isa sa mga suspek at kaagad na binaril ang biktima, na nakatakbo pa papasok ng kusina upang magtago.
Gayunman, sinundan pa rin siya ng suspek at muling pinagbabaril bago mabilis na tumakas lulan ng isang motorsiklo.
Na-recover ng pulisya sa crime scene ang isang empty magazine ng di pa batid na kalibre ng baril, 14 na fired cartridge cases, tatlong metallic fragments at apat na deformed bullets.