APAT na tauhan ng Philippine Army mula sa AFP Joint Task Force Basilan ang nasugatan nang nakasagupa nila ang isang pulutong ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa ilalim ng pamumuno ng isang Pasil Bayali kamakalawa ng umaga.
Ayon kay Brig. Gen. Domingo Gobway, Commander ng JTF Basilan kasalukuyang nagsasagawa ng combat operations ang kanilang mga tauhan nang masabat ang isang pulutong ng Abu Sayyaf sa Barangay Sucaten, Sumisip, Basilan bandang alas 7:31 ng umaga .
Matapos ang ilang minutong bakbakan tumakas ang mga ektremistang grupo subalit natunton silang muli ng mga sundalo kaya nagkaroon muli ng sagupaan.
Sugatan na rin ang mga tumakas na terorista kaya binitiwan na ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng tatlong M16A1 rifles, 20 long magazines, limang short magazines, tatlong bandoliers, at 619 rounds ng bala para sa M16 armalite .
Samantala umabot naman sa apat na sundalo ang nasjugatan sa labanan. Subalit mabilis ding nailikas para malapatan ng lunas.
Pinapurihan ni Lt. Gen. Alfredo Rosario, Jr., Commander ng Western Mindanao Command ang Joint Task Force Basilan sa kanilang dedIkasyon at walang sawang pagseserbisyo sa bayan.
“The remaining members of the terror group who refuse to return to the fold of the law are doing desperate moves to gain popular support after they’ve lost it due to the neutralization of their top leader Radzmil Jannatul, a.k.a. Khubayb, who was killed during an encounter with army troops last March 26,” ani Lt. Gen. Rosario, Jr. (VICTOR BALDEMOR)














