Latest News

4 PANG ENHANCED DEFENSE COOPERATION AGREEMENT (EDCA) SITES, ITINATAG SA BANSA

NAGKASUNDO ang Estados Unidos at Pilipinas sa pagtatatag ng apat na karagdagang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa bansa, sa inilabas na joint statement ng Pilipinas at United States kaugnay sa pagbisita sa bansa ni US Defense Secretary Lloyd J Austin III.

Sa ginanap na pulong-balitaan sa lobby ng Department of National Defense sa Camp Emilio Aguinaldo sa Quezon City ay kinumpirma mismo ni U.S DOD Secretary Lloyd Austin na pumayag na si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., para sa karagdagang apat na EDCA Sites.

Subalit hindi naman kinumpirma ni Defense Secretary Carlito Galvez kung saan area sa Pilipinas ilalagay ang mga bagong military sites para sa U.S rotational forces.


Unang umugong ang balitang plano umanong ilagay ang karagdagang EDCA Site sa Luzon particular sa Hilagang bahagi strategically facing China at Taiwan, bukod pa sa temporary basing na ilalagay sa Palawan fonting the West Philippine Sea (South China Sea).

Sa statement ng Department of National Defense (DND), nakasaad na plano ng dalawang bansa na pabilisin ang full implementation ng EDCA sa pamamagitan ng pagkakaroon pa ng karagdagang apat na EDCA sites sa bansa na ilalagay sa mga strategic area sa bansa.

Ang mga karagdagang lokasyon ay mas makapagpapabilis sa paghahatid ng suporta sa humanitarian at climate-related disasters hindi lamang sa Pilipinas kung hindi maging sa iba pang kalapit bansa pahayag pa ng U.S Pentagon chief.

Una nang naglaan ang Amerika ng $82 milyon para sa infrastructure investments sa existing five EDCA sites.


Ilan sa mga pre-determined EDCA sites ay sa Antonio Bautista Air Base sa Palawan na malapit sa Kalayaan Group of Islands, Basa Air Base sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija kung saan matatagpuan ang pinakamalaking military camp at madalas pagdausan ng Philippine-US military exercises.

Ang dalawang EDCA site na natukoy ay sa Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu at Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro City.

Kaugnay nito inihayag ni Pangulong Marcos na mararamdaman hanggang sa hinaharap ng Pilipinas ang tulong ng Estados Unidos.

Ito ay ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kanyang mensahe sa isinagawang courtesy call ni US Defense Secretary Lloyd James Austin sa Malacañang kahapon ng umaga.


Ayon sa pangulo, matibay na ang samahan ng Pilipinas at Amerika kaya anuman ang mangyari sa hinaharap ay palaging kasama ng Pilipinas ang Estados Unidos.

Dahil nagkakaroon aniya ng pagkakataon na magpalitan ng ideya at komento tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng geopolitical o ang usapin tungkol sa pulitika partikular sa international relations na naiimpluwensyahan ng geographical factors sa Asia Pacific Region.

Sinabi pa ng pangulo ang mahaba at magandang samahan ng Pilipinas at Estados Unidos ay nagtutulungan aniya hindi lang sa usapin ng geopolitical kundi maging ang economic waters. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)

Tags: Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA)

You May Also Like

Most Read