Latest News

4 NA SUSPEK SA DEGAMO SLAY CASE, INILAGAY SA CAMP CRAME PARA SA KANILANG PROTEKSYON

MATAPOS na ihayag na pinag-aaralan ng prosekusyon ang salaysay ng dalawang sa apat na suspek sa Degamo slay case kaugnay sa posibilidad na ilagay sila sa witness protection program ng gobyerno ay pansamantalang inilipat sa kustodiya ng Philippine National Police sa Camp Crame, Quezon City ang apat na isinasangkot sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, kasalukuyang naka-detine na sa PNP Custodial Center ang apat na suspek kasunod ng ginawang inquest proceeding mula Negros Oriental.

Sinasabing para na rin ito sa proteksyon ng mga suspek na kinilalang sina Joven Aber, Benjie Rodriguez, Joric Labrador at Osmundo Rivero na pawang mga ex-army na na-dismiss sa serbisyo dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga at nag-Absence Without Official Leave (AWOL).


Sinabi pa ni Col Fajardo na ang paglipat sa mga suspek sa Custodial Center ng PNP ay para sa kanilang proteksiyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa mga suspek.

Paliwanag ng taga pagsalita na pinagpasyahan ng pamunuan ng PNP na ilipat ang apat na suspek sa Camp Crame matapos silang isalang sa inquest proceedings.

Magugunitang, dalawa sa apat na suspek ang nag-execute ng extrajudicial confession at kinokonsidera ang paglalagay sa mga ito sa witness protection program (WPP) ng pamahalaan.

Samantala, ipinag-utos ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang pagsibak sa buong puwersa ng kapulisan sa Bayawan City, sa Negros Occidental.


Kasunod ng naganap na pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa nung Sabado.

Inatasan ni Sec. Abalos si PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Rhodel Sermonia na personal na magtungo sa Bayawan City para ipatupad ang nasabing kautusan.

Una nang inamin ng PNP nagkaroon sila ng pagkukulang at lubhang naging maluwag sa seguridad kaya malayang napasok ng mga armadong suspek ang bahay ng kanilang target na ikinasawi ng gobernador at walong iba pa. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)


Tags: PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo

You May Also Like

Most Read