Apat na dating kasapi ng lokal na teroristang grupo ang nagbalik-loob sa pamahalaan matapos mabiktima ng maling ideolohiya. Sila ay sumuko sa tropa ng kasundaluhan sa bayan ng Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao del Sur.
Ang pagsuko ng apat ay isinagawa sa pamamagitan ng 1st Mechanized Battalion sa pangunguna ni Lt. Col. Robert Betita, na siyang nagprisinta sa kanila kay Col. Edgar L. Catu, Commander ng 601st Unifier Brigade, sa isang simpleng seremonya sa himpilan ng 1st Mechanized Battalion.
Kasabay ng kanilang pagbalik-loob, isinuko rin ng apat ang kanilang mga kagamitang pandigma na kinabibilangan ng isang (1) M16A1 rifle, dalawang (2) Cal .30 Garand rifles, at isang (1) grenade launcher 40mm M203.
Sa nasabing programa, dumalo rin sina Lt. Col. Roden Orbon, Battalion Commander ng 6CMO at tagapagsalita ng 6ID; P/Lt. Dangalao, OIC ng Guindulungan MPS; Hon. Bobby Midtimbang, Board Member ng Maguindanao del Sur; at Ms. Sittie Janine Gamao, Peace Program Officer V ng MPOS-BARMM.
Ayon kay Col. Catu, patuloy ang kanilang pagsisikap na mahikayat ang mga natitira pang kasapi ng mga teroristang grupo na magbalik-loob sa pamahalaan. “Ang ating mga kapatid na ito ay biktima ng maling ideolohiya. Ngunit sa pamamagitan ng ating pagsisikap at suporta ng pamahalaan, sila ay muling makakapagsimula ng panibagong buhay na malayo sa karahasan,” ani Col. Catu.
Bilang bahagi ng programa ng reintegration, agad na natanggap ng mga sumukong dating terorista ang tulong pangkabuhayan kabilang ang apat (4) na tricycle (Payong-payong), tig-25 kilo ng bigas, at cash assistance. Ang tulong na ito ay inisyatiba ni Hon. Datu Bobby Midtimbang, Board Member ng Maguindanao del Sur.
Samantala, pinuri naman ni 6th Infantry Division at Joint Task Force Central Commander, Brigadier General Donald M. Gumiran, ang kanilang naging desisyon. “Ang pagbabalik-loob ng ating mga kababayan ay patunay na epektibo ang ating mga programa sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon. Nawa’y ito ay magsilbing inspirasyon sa iba pang naliligaw ng landas upang mamuhay ng mapayapa at walang pangamba,” ani Brig. Gen. Gumiran.
Patuloy ang panawagan ng pamahalaan at kasundaluhan sa mga natitirang kasapi ng mga armadong grupo na talikuran ang karahasan at yakapin ang isang mapayapang kinabukasan kasama ang kanilang pamilya at mga mahal sa buhay.