4 NA KILO NG SHABU, HULI SA ANAK UMANO NG RETIRADONG PULIS

By: Victor Baldemor Ruiz

NASA mahigit apat na kilo ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa isang sinasabing bigtime drug personality na umano’y anak ng isang retiradong police official, matapos ang ikinasang anti- narcotics operation sa Zamboanga City.

Itinatayang aabot sa P29.9 milyong halaga ng iligal na droga ang nakuha sa pag-iingat ng naarestong suspek na kinilalang si Ashraf Kayzar Ikbala y Julkarim, aka Bhar/Ak, 40, ng Aurora Village, Barangay Tumaga, ng nasabing lungsod.


Bukod sa suspected shabu ay nasamsam din ng mga awtoridad ang isang plastic bag na ginamit na sisidlan, sling bag, paper bag, green tea bag na may label na ‘GUANYINYANG’ at mga bundle ng boodle money na napapaibabawan ng isang genuine P1,000 peso bill na ginamit bilang buy-bust money.

Naaresto si Ikbala sa ikinasang buy-bust operation bandang 11:05 Lunes ng umaga sa Sitio Palawan, Zone 2, Barangay Divisoria ng PDEA, katuwang ang Philippine Navy Naval Intelligence and Security Group Western Mindanao at PNP- Police Regional Office (PRO-9).

Anang pulisya, kanilang bina-validate kung may katotohanan na si Ikbala ay anak ng isang retired police officer sa Camp Crame.


Kasalukuyang nasa kustodiya ng Zamboanga City Police Office si Ikbala at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bukod sa dalawa pang drug-related cases na inihain sa kanya noong 2018 ay sinasabing naaresto na rin si Ikbala noong Enero 2019, matapos makuhanan ng P100,000 halaga ng iligal na droga sa isang operasyon sa Aurora Village Subdivision, Barangay Tumaga.


Tags: Philippine Drug Enforcement Agency

You May Also Like