Ini-anunsiyo ng Department of Health (DOH) na nakarekober na ang lahat ng 14 indibiduwal na na-detect na may Omicron BA.2.12.1 sa bansa.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, lahat ng pasyente, na kinabibilangan ng dalawang taga-Metro Manila at 12 na taga-Puerto Princesa City, ay pawang fully vaccinated na at inobliga na mag-isolate sa loob ng pitong araw.
Nabatid na 11 sa 14 ang dayuhan, 2 ang taga Metro Manila at isa ang lokal na kaso sa Puerto Princesa City.
“Lahat po ng na-detect na BA.2.12.1 nakakumpleto po sila ng isolation and they are now recovered,” ayon kay Vergeire sa panayam ng teleradyo.
Nabatid na ang mga turista sa Puerto Princesa na dinapuan ng subvariant ay mayroon ring booster shots habang ang dalawang kaso naman na mula sa Metro Manila ay nakatanggap na rin ng karagdagang dose ng bakuna.
Kasabay nito, muli ring pinaalalahanan ni Vergeire ang mga mamamayan na huwag maging kampante at sa halip ay patuloy na maging maingat upang hindi dapuan ng COVID-19. (Anthony Quindoy)














