Sisimulan nang ipuwesto ng Philippine National Railways (PNR) ngayong Martes, Oktubre 31, ang ilalagay nilang apat na karagdagang ‘flag stops’ para sa Undas 2023.
Ayon sa abiso ng PNR, simula ngayong Martes ay titigil na rin ang PNR trains sa Hermosa flag stop, sa pagitan ng 5th Avenue at Solis.
Gayundin, magkakaroon na rin ng Espeleta flag stop, sa pagitan ng Sucat at Alabang.
Ayon sa PNR, magkakaroon din ng Santa Ana flag stop, sa pagitan naman ng San Pablo at Tiaong, at Candelaria Crossing flag stop, sa pagitan naman ng Tiaong at Candelaria.
Paglilinaw naman ng PNR, ang apat na bagong flag stops ng PNR ay para lamang sa Undas 2023.
“Magsasakay at magbababa po ito ng mga pasahero mula October 31 hanggang sa November 2, 2023 lamang,” anito pa.
Pinayuhan rin naman ng PNR ang publiko na bisitahin ang kanilang mga social media accounts para sa iba pang impormasyon, anunsyo, at schedule ng biyahe ng kanilang mga tren.